Thursday, November 19, 2009

Lambat (Fishing Net)



Alas 3 y medya pa lang ng umaga, pusikit pa ang kadiliman ngunit eto gising na dahil sa kailangan. Walang katuwang ang kuya sa paglaladlad ng lambat sa dagat dahil wala eh, ikaw lang ang pwede dahil yung isang kuya nasa Maynila kasama ang ate na nakikipagsapalaran sa buhay. Naglalakad sa baybay na tulog ang diwa, sunod sa boses na nag uutos na sumakay sa bangka at sumagwan pa laot. "Handa ka na ba" wika ng tinig na bagamat malumanay ay puno ng otoridad, sige hagis mo na ang pabigat! Blob! ang tunog ng bato na nagsisilbing "lead line" upang ang buong lambat ay pumailalim sa dagat at maghintay sa langkay ng isdang maaring dumaan sa dakong yaon. Sagwan muli pabalik sa baybay upang ituloy ang mahimbing na pagtulog. Sa panaginip ay samo't saring lamang dagat ang nakikita, iba't ibang kulay, hugis, anyo ang duon ay masayang lumalangoy. Ang makukulay na isdang sa aquarium mo lang makikita, larawan ng masayang mundo na kanyang ginagalawan, nandiyan din ang napakaraming isdang karaniwan ng makikita sa palengke; si "gg" o galunggong, tulingan, alumahan, matang baka at iba pang ka-uring isda na madalas ay naglalarawan ng kasaganahan sa lugar na iyon. Kung meron kasiyahan at kasaganahan di nawawala ang lungkot at pagdurusa na idinudulot ng mga nilalang na tulad ng pating, na sa isang iglap ay kayang sirain ang lambat na inilatag lalo na kapag ito'y nakabitag na ng mga isda. Nariyan din ang mga alimasag na bagamat masarap ihain sa hapag kainan ay nagdudulot din ng maraming pinsala sa lambat na bagamat maliliit ay madami at kalat sa iba't ibang bahagi nito. Isama mo pa ang mga tayong o sea urchin na bagamat nakatutuwang tignan sa ilalim ng dagat ay may matalas na tinik na handang magbigay ng ibayong sakit sa sinumang magkamaling matusok nito. Ang mga korales ay animoy mga maliliit na sanga ng puno na sa oras na sumabit ang iyong lambat ay tiyak na mapupunit. Subalit kahit may mga ganitong bagay o pangyayari na maaring maganap sa paglalambat sa mapagpalang kamay ng ama ay muling nabubuo ang lahat. Sa marahang at tamang pagtahi at pagbuhol ng kanyang mga daliri ay unti unting nanunumbalik ang dating anyo ng lambat. Pagkadakay kanyang sasabihin na "nakita mo na madaling buoin ang mga sira ng lambat kung ito'y iyong nais at ika'y naniniwala" marahil ay tama nga si ama. Hoy gising! ayun ang kuya mo di magkandaugaga sa dami ng isda na nahuli sa lambat na inyong inilatag! ang sabi ng nanay. Hahahahaha....ang dami nga,bilog na ang hugis nito sa dami ng huli. Ang dagat talaga di mo batid kung ano ang ibibigay sayo sa oras na inilatag mo ang lambat. Kaya bukas muli alas 3 y medya ng umaga ay ilalatag namin muli ang lambat at aasang ito'y muling mapupuno ng biyaya......o di kaya ng pighati.

1 comment:

  1. original picture m ba yang nasa cover na may hawak ng lambat? pakireply po.

    ReplyDelete